Imus: Dama ang Asenso, Tuloy-tuloy ang Progreso

Imus: Dama ang Asenso, Tuloy-tuloy ang Progreso

Sa nagdaang pitong (7) taon ng pagiging lungsod ng Imus, patuloy ang pag-ani nito ng mga pagkilala mula sa iba’t ibang pampubliko at pribadong institusyon buhat sa mga makabuluhan at epektibong programa nito para sa mga mamamayang Imuseño.

Ngayong taon ating balikan at sariwain ang mga mahahalagang pangyayari sa lungsod na naging daan upang ito ay kilalanin, hindi lamang sa lalawigan kung hindi sa buong bansa.

2012

Taong 2012, ang 238 na taong munisipalidad ng Imus ay naging isang ganap na lungsod sa pamamagitan ng House Bill No. 01989 na inihain ni dating Kinatawan Erineo “Ayong” S. Maliksi noong ika-3 ng Agosto, 2010, at naisabatas noong ika-10 ng Abril taong 2012 bilang Republic Act No. 10161. Ito ay ipinagtibay ng mga rehistradong botante ng lungsod na may kabuuang bilang na 22,742, kung saan 20,438 dito ang bumoto ng “yes” at 2,304 ang “no” mula sa 453 polling precincts.

Ito ang naging simula ng sunod-sunod na tagumpay ng Imus sa ilalim ng pamumuno ni Igg. Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi.

Sa taon ding ito naging sentro ng pagnenegosyo ang lungsod mula sa iba’t ibang mga malalaking pamilihan na itinayo kabilang na ang Puregold Anabu at The District Imus. Dito rin isinabatas ang “No Plastic Ordinance” bilang suporta sa Provincial Ordinance 007-2012 kung saan inilunsad ang paggamit ng eco-bag at ang selective plastic ban sa buong lungsod. Sa pamamagitan na epektibong implementasyon nito, ginawaran ang Imus ng Effective Implementation of Provincial Ordinance No. 007-2012 Award ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite.

2013

Noong taong 2013, ganap na inilipat ang Rizal Park/Luneta flag pole sa bagong Battle of Alapan Site, ang Dambana ng Pambansang Watawat ng Lahi o higit na kilala bilang Imus Heritage Park. Ang makasaysayang lugar na ito ay kinilala rin sa parehas na taon bilang isang Tourism Economic Importance.

 

2014

Marami pang pagkilala ang patuloy na inani ng lungsod kabilang na dito ang Top PESO Performer in the Province of Cavite at 2014 Regional best PESO Award Nominee para sa masigasig na pagsasagawa ng mga job fair at iba pang programa ng PESO; Best City Transition Plan para sa mga natatanging serbisyo at mahusay na pagpaplano ng City Social Welfare Development Office (CSWDO); Recognition for Outstanding and Dedicated Service na iginawad sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) para sa dedikasyon at mga programa nitong pangkalikasan at pangkalinisan; Best City Station in the Province of Cavite na itinanghal sa Imus City Fire Station; Certificate of Recognition for Revenue Collection Target na nagmula naman sa Real Property Tax, Business Tax, Economic Enterprises at ibang fees at charges, at Certificate of Recognition for Targeted Increase in Total Taxable Assessed Evaluation na mahusay na pinamamahalaan ng City Treasurer’s Office.

Sa taon ding ito ginawaran ang Imus ng Seal of Child-Friendly Local Governance Award para sa epektibong implementasyon ng mga programa para sa kapakanan ng bawat kabataan.

2015

Sa taong ito isinagawa ang kauna-unahang Youth Exchange Program sa sister city ng Imus, ang Huanggang City sa China. Kasunod nito ang konsultasyon para sa Imus Vocational and Technical School (IVTS) Building Extension Project para sa higit na maayos na paghahatid ng teknikal na kaalaman sa mga mamamayang Imuseño.

Kinilala rin ang Imus bilang Student Cooperative Capital of the Philippines ni Cooperative Development Authority (CDA) Chairman Orlando R. Ravanera sa tulong ng programa nito na Eskwela Kooperatiba.

Sa larangan ng kalinisan at programang pangkalikasan, hinirang ang Imus na Gold Awardee on Environmental Compliance Audit (ECA) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Buhat naman sa patuloy na pagdami ng mga namumuhunan sa lungsod at paglago ng ekonomiya nito, kinilala ang Imus bilang 3rd Most Competitive City sa buong bansa at 2nd Most Competitive City on Economic Dynamism ng National Competitiveness Council (NCC) para sa isinagawa nitong Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI).

2016

Ang taong 2016 ay tinaguriang “transition year” buhat sa nagdaang halalan. Dito natapos ang unang yugto ng epektibong lingkod mamamayan at dito rin nagsimula ang ikalawang bahagi ng pagpapatuloy ng mga nasimulang programa kasabay ng pagbubukas ng mga bagong plano at adhikain para sa patuloy na sumisigla at yumayabong na Lungsod ng Imus.

Sa taong ito, muling ginawaran ang Imus ng Seal of Good Local Governance (SGLG) Award ng DILG. Higit ding pinaigting ng lungsod ang kampanya nito laban sa ilegal na droga alinsunod sa adbokasiya ng National Government. Dahil sa mahusay na implementasyon ng Anti-Illegal Drug Project Double Barrel, pinarangalan ang Philippine National Police (PNP)-Imus bilang Best Performing Police Station sa buong rehiyon at ginawaran ng Medalya ng Papuri ng Philippine National Police Region IV-A.

Isa rin sa mga tinututukan ng Imus ang kahandaan nito mula sa mga kalamidad dahilan upang kilalanin ito bilang 2nd Place Gawad Kalasag Awardee.

2017

Taong 2017 inilunsad ng Imus ang kauna-unahang Child Welfare Card sa bansa, ang BIDA KArd sa pangunguna ng Local Council for the Protection of Children (LCPC) at City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial, and Enterprise Development Office (CICLEDO0. Ito ay isang privilege card kung saan ang mga kabataang Imuseño na nasa edad lima (5) hanggang 17 taong gulang ay maaaring makakuha ng diskwento at pribilehiyo sa humigit kumulang 40 na partner establishments ng lungsod.

Sa larangan ng mabuting pamamahala, ginawaran ang Imus bilang Most Outstanding LGU ng Meralco, at Seal of Good Local Governance ng DILG para sa ikatlong pagkakataon (Hall of Famer).

Sa pamamagitan ng mga makabagong programa at aktibong serbisyo ng pamahalaan sa larangan ng Digital Literacy, kinilala ang Imus City Library bilang Most Innovative Library in the Philippines in Digital Literacy Services ng Beyond Access Philippines.

Tinanghal din ang Imus bilang kauna-unahang Local Government Unit na nagkamit ng Philippine Quality Challenge (PQC) Award mula sa Department of Trade and Industry (DTI) na siyang masusing sinuri ang mga proseso at panuntunan ng Pamahalaang Lungsod para sa bawat serbisyo nito.

2018

Sa taong ito nagsimula ang operasyon ng City of Imus Polytechnic Institute para sa paghahatid ng kaalamang teknikal at trabaho sa mga mamamayang Imuseño.

Bukod dito, binuksan din ang Ospital ng Imus na siyang naging sentro ng paghahatid ng serbisyong medikal sa lungsod. Sa unang bahagi, binuksan nito ang Out-Patient at Emergency Department na naghatid ng agarang tulong sa libu-libong mamamayang Imuseño at maging sa mga taga-karatig lungsod nito.

Kasabay ding pinasinayaan ang City of Imus Grandstand at Track Oval bilang suporta sa adbokasiya ng lungsod para sa malusog at maayos na pangangatawan.

Dito rin inilunsad ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi ang Legacy Projects nito na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan sa larangan ng kalusugan, imprastraktura, agrikuktura, kooperatiba, pagsugpo sa ilegal na droga, transportasyon at pangangalaga sa kapakanan ng mga senior citizen at kabataang Imuseño.

Ilan din dito ay inilunsad sa taong 2018 kabilang na ang Cognitive Behavioral Therapy, Organic Urban Farming, Government Housing at ang bagong Government Center.

Mula sa pagkilala mula sa rehiyon, kinilala na rin ang Imus sa buong bansa para sa mga programa nito sa pagsugpo sa ilegal na droga. Patunay dito ang Silver Award for 2018 National Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance na nakamit ng lungsod noong buwan ng Disyembre.

 

 

2019

Naging makulay ang taong 2019 buhat sa nagdaang halalan at sa mga panibagong programang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod kabilang na rito ang Green Schools Program na isa rin sa mga Legacy Projects ng Punong Lungsod.

Buhat sa patuloy na pagdami ng mga Imuseñong nangangailangan ng serbisyong medikal, naging fully-operational na ang Ospital ng Imus. Dito binuksan ang Admission Department nito na tumugon sa pangangailangan ng daan-daang Imuseño.

Ilang pasilidad din ang binuksan para sa paghahatid ng higit na epektibong serbisyo-publiko, kabilang dito ang bagong Command Operation Center, City Health Offices, Imus City Jail MD Building at karagdagang Custodial Facility.

Dahil sa mahusay na pamamahala, ginawaran rin si Mayor Maliksi ng Exemplary in Public Service sa FAMAS 2019.

 

Bukod sa Legacy Projects, bahagi rin ng mga tinututukan ng Administrasyong Maliksi ang isyu sa trapiko, edukasyon, turismo, pagpapalakas ng ekonomiya, paghahatid ng mga bagong imprastraktura at kahandaan ng pamilyang Imuseño sa panahon ng kalamidad.

Ilan lamang ito sa mga epektibong programa at mga natatanging pagkilala na patuloy na naghahatid ng kaunlaran sa buhay ng bawat Imuseño at sa buong Lungsod ng Imus. Tunay na dama ang asenso, tuloy-tuloy ang progreso!

 

135total visits,2visits today

Add Comment