IMUS: BAGONG INVESTMENT CITY NG CAVITE

IMUS: BAGONG INVESTMENT CITY NG CAVITE

Niña Pauline L. Tapawan/Eliseo Taparan

DAHIL sa patuloy na pagbibigay ng epektibong paglilingkod sa mga mamamayan, kinilala ang Lungsod ng Imus bilang 2nd Place Most Competitive Component City in Economic Dynamism Category sa buong bansa.

Isa lamang ito sa dumadaming pagkilala na naiuwi ng lungsod sa pamumuno ni Igg. Emmanuel L. Maliksi kasama ang Sangguniang Panlungsod ng Imus.

Sa pahayag ng alkalde, buong puso ang kanyang pasasalamat sa mga mamamayang Imuseño sa pagbibigay ng suporta at tiwala sa kanyang pamamahala, kasunod ang paghamon sa mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod na ibigay ang higit pang sipag at kakayahan upang mapayabong pa ng husto ang ekonomiya ng lungsod.

Pagsisimula ng Groundbreaking Ceremony

Nakita rin ng publiko ang patuloy na pagdami ng malalaking investment sa lungsod, at halos sunod-sunod na pagtatayo ng malalaking negosyo at establisimyento, mga institusyong pinansiyal, shopping centers, mga palengke, at mga pabrika at kompanyang industriyal.

Buhat dito at sa suporta ng mga programa ng Pamahalaang Lokal hindi lamang Banking Capital at Retail Capital of Cavite matatawag ang Imus kung hindi bagong Investment City na din.

Isa sa mga malaking investment na itinatayo sa lungsod ang Vermosa Estate ng Ayala Land Inc. (ALI) na nasa 700 hektarya ang laki at matatagpuan sa kahabaan ng Daang Hari Road na siyang magiging larawan ng modernong pamumuhay at patuloy na kaunlaran.

Sa daan-daang hektarya nito, kapapalooban ng mga establisimyento, mga negosyo at paaralan ang 124 hektarya ng lupa na magsisilbing tulong sa mga maninirahan dito upang mapadali ang pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat pamilya.

Pagbibigay ng mensahe ni Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi sa nakaraang Groundbreaking Ceremony

Kasama din sa plano ang pagtatayo ng parke at hardin para sa mga nais mamasyal sa lugar kasabay ng pagbibigay ng kasiyahan sa mga kabataan.

Isa din sa isinusulong ng Ayala Land Inc. ang importansya ng pagsasaayos ng kapaligiran na naghikayat dito sa pagbuo ng isang 14-km greenway, isang proyekto na magbibigay-daan sa mga nais maglakad at mamisikleta. Ito ay isang paraan na rin upang mabawasan ang mga pampubliko at pampribadong sasakyan na nagdudulot ng labis na trapiko at polusyon.

Kabilang din sa mga tinutukan ng Vermosa ang pagiging masigasig ng mga Pilipino pagdating sa kalusugan na nagbunga sa pagtatayo ng Vermosa Sports and Lifestyle Complex (VSLC) na kung saan kapapalooban naman ng isang olympic-size pool, 400 metro na track and field at nauuna sa buong bansa pagdating sa teknolohiya na sports science laboratory.

Ang VSLC din ay magkakaroon ng motocross track at ang kauna-unahang purpose-built mountain bike skills track sa buong bansa.

Ang lahat ng proyektong ito ay bunga ng kauna-unahang public-private partnership project kasama ang Ayala.

Inaasahan na ang proyektong ito ay magbibigay ng masaganang kinabukasan sa 30,000 na residente at matatapos pagkaraan ng 12 hanggang 15 na taon.

Tunay nga na ang lahat ng tagumpay na tinatamo ngayon ng Imus ay bunga ng pakikiisa, patuloy na suporta at walang pingas na tiwala ng mga mamamayan sa kasalukuyang liderato ng pamamahalaang Maliksi.

307total visits,2visits today

Add Comment