Ganda ng Imus, Iwagayway!

Ganda ng Imus, Iwagayway!

Ang Pamahalaang Lungsod sa taong 2018 ay tunay na matagumpay. Mula sa mga pagkilala na iginawad dito ng lokal, nasyunal at maging pribadong institusyon, maraming programa rin ang sinimulan at maraming pasilidad din ang binuksan sa publiko na nasasailalim sa Legacy Projects ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi.

Una na rito ang Wellness Centers para sa mga senior citizen sa tulong ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at Imus Senior Citizens Association Inc. (IMUSCAI). Sa pagsisimula ng taon, patuloy din ang paghahatid ng serbisyo para sa health and wellness maging sa livelihood ng mga senior citizen sa lungsod.

Tuloy-tuloy din ang pagtaas ng bilang ng miyembro ng Eskwela Kooperatiba sa pangunguna ng City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial, and Enterprise Development Office (CICLEDO). Hinihikayat ng programang ito ang pag-iipon at pagtitipid kahit sa murang edad pa lamang.

Kabilang din sa mga programa ang Cognitive Behavioral Therapy (CBT) Program na inilunsad noong Pebrero ng taon sa Imus Sports Complex sa pangunguna ng City of Imus Anti-Drug Abuse Council (CIADAC).

Ang CBT ay isang programa na tumutulong upang mabago ang pananaw, pag-uugali at paraan ng pag-iisip ng mga drug surrenderer. Sa programang ito tinuturuan sila ng mga bagong kakayahan upang higit na makatulong sa kanilang pamilya at komunidad.

Sa pagsisimula ng programa, sumailalim ang 544 drug surrenders at 200 referrals kasama ang 150 therapist.

 

Noong ika-5 ng Oktubre, inilunsad naman sa Barangay Malagasang II-F ang Organic and Urban Farming kasama ang City Agriculture Services Office. Ito ay isang paraan ng pagtatanim kung saan gumagamit ng mga natural o likas na pataba

Kabilang din sa programang ito ang urban gardening tulad ng hydrophonics at aquaphonics na siyang nagsisilbing alternatibong paraan ng pagtatanim na hindi nangangailangan ng malawak na sakahang lupa.

Ang programang ito ay bahagi ng mga hakbang ng Pamahalaang Lungsod tungo sa pagiging “Organic Food Capital of Cavite” ng Lungsod ng Imus.

Matapos rin ang matagumpay na paglunsad ng BIDA KArd, ang kauna-unahang child-welfare card sa bansa, sunod namang inilunsad nito ang bago at malaki nitong partner establishment, ang Jollibee, sa selebrasyon ng Financial Literacy Festival ng Imus kasama ang CICLEDO at City of Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC).

Katuwang si Congressman Alex “AA” L. Advincula, noong ika-12 ng Oktubre, magkakasabay na binuksan ang Ospital ng Imus, Track Oval at Grandstand sa Barangay Malagasang I-G para sa abot-kayang serbisyong medikal at pagpapanatili ng magandang kalusugan ng mga mamamayang Imuseño. Kasunod din nito ang groundbreaking ng itatayong Government Center para sa mas maayos at agarang serbisyo-publiko.

Opisyal na inilunsad din ang ikalawang bahagi ng Gawad Kalinga Project o Proyektong Pabahay noong Oktubre 23 sa Gawad Kalinga Alapan Site, Barangay Alapan II-B na nagbigay tulong sa mahigit 120 na pamilya mula sa Barangay Palico I, II at III.

Sa pagsisimula ng taong 2019, marami pang programa na nasasailalim sa legacy projects ni Mayor Maliksi ang ilulunsad at ihahatid sa mga Imuseño. Kabilang na rito ang Green Schools Project, isang programang pangkalikasan para sa mga paaralan sa lungsod na gumagamit ng Solar Energy System, Rain Water Harvesting System at Sewerage Treatment Plant (STP) para sa pangangalaga ng kapaligiran; E-Trike at E-Vehicle kung saan napapaloob ang transisyon ng fuel-powered tricycles sa electric tricycles; at ang full operation ng Ospital ng Imus kung saan bubuksan na rin ang iba pang pasilidad nito at magsisimula ng tumanggap ng mga in-patient.

Kasunod ng malawakang kaunlaran ng Lungsod ng Imus ay ang matayog na pagwagayway ng ningning at tunay na “Ganda ng Imus” na nasasalamin sa pagkakaisa ng mga namumuno, mga karangalang iginawad sa lungsod, mga epektibong programa at aktibong partisipasyon at suporta ng mga mamamayang Imuseño.

328total visits,1visits today