Eskwela Kooperatiba at BIDA KArd Benchmarking Isinagawa sa Lungsod ng Imus

Eskwela Kooperatiba at BIDA KArd Benchmarking Isinagawa sa Lungsod ng Imus

Mayor Emmanuel L. Maliksi, Kon. Dennis Lacson, Kon. Darlon Sayarot, City of Imus Cooperative Development Office (CICDO) sa pamumuno ni Dr. Emmanuel Santiaguel, LCPC Focal Person Bb. Dulce Bustamante kasama ang Simbayanan ni Maria Multipurpose Cooperative, Tagum City Cooperative Development Office at Cabuyao City Cooperative Development Office

 

LUNGSOD ng Imus – Noong Hunyo 19, 2017 opisyal na binisita ng Simbayanan ni Maria Multipurpose Cooperative – Taguig City, Tagum City Cooperative Development Office at Cabuyao Cooperative Development Office ang Lungsod ng Imus upang magsagawa ng benchmarking sa mga natatanging programa ng Pamahalaang Lungsod para sa Eskwela Kooperatiba.

Mainit na sinalubong ng Pamahalaang Lokal at mga kawani ng tanggapan ang mga bisita mula sa iba’t ibang kooperatiba sa iba’t ibang lungsod sa isinagawa nitong flag raising ceremony sa Imus City Plaza. Dito nagbigay ng maikling mensahe ng pasasalamat si Rev. Fr. Antonio Alastra, Jr., PhD, executive Assistant IV at Cooperative Development Officer ng Lungsod ng Tagum.

Sinundan ito ng isang programa upang talakayin ang pagkakatatag ng Eskwela Kooperatiba sa lungsod ng Imus at ang kasalukuyang programa ng pamahalaan, ang BIDA KArd na siyang kauna-unang child development card sa Pilipinas na maaaring gamitin bilang cash card at privilege card. Ang programang ito ay sa pangunguna ng Local Council for the Protection of Children (LCPC) sa pakikipagtulungan ng City of Imus Cooperative Development Council (CICDO) at iba’t ibang Eskwela Kooperatiba sa Imus.

Sa pahayag ni Dr. Emmanuel Santiaguel, Cooperative Development Officer ng Imus, ipinapakita na ang kooperatiba ay isang socio economic development trust ng gobyerno. Bukod din sa tungkulin ng opisina na pamahalaan ang kooperatiba, sinasama na rin dito ang kabuhayan at entrepreneurial function na ibinababa sa bawat miyembro.

Ayon naman kay Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi, “Nasa puso ng mga public servant ang kapakanan ng mga kabataan at ito ang naging pundasyon para sa pagkakatatag ng Eskwela Kooperatiba.”

“Ngayon nga ay nagkaroon na ng progreso. Mula sa konsepto ng pag-iimpok, nagkaroon na ng BIDA KArd, isang karagdagang benepisyo sa mga kabataang miyembro ng kooperatiba upang higit nilang makita at maunawaan ang kahalagahan ng pag-iimpok”, dagdag pa ng alkalde.

Nagsagawa rin ng pagbisita sa dalawang laboratory cooperatives ang mga delegasyon mula sa iba’t ibang lungsod upang matulungan sila sa pagbuo ng mga programa sa kani-kanilang koopertiba. Kasama sa mga binisita ang Imus Institute Laboratory Cooperative at GEANHS Laboratory Cooperative,

Matatandaan na ang Lungsod ng Imus ay kinilala bilang Student Cooperative Capital of the Philippines buhat sa mga programa nito na tumutulong sa mga kabataan at mga mag-aaral na mag-impok. Sa pamamagitan din ng mga programa ng pamahalaan, natutulungan ang mga kooperatiba na mapalago at mapataas pa ang bilang ng kanilang mga miyembro kasunod ng kaalaman nito sa financial literacy.

Ang isinagawang benchmarking ng isa sa mga pinakamalaking kooperatiba sa Lungsod ng Taguig at mga departamento na namamahala sa mga kooperatiba sa Lungsod ng Cabuyao at Tagum ay patunay lamang sa mga magagandang adhikain ng Pamahalaang Lungsod ng Imus para sa mga kooperatiba nito.

 

199total visits,1visits today

Add Comment