Epektibong Serbisyo, Hatid para sa mga Alagang Hayop

Epektibong Serbisyo, Hatid para sa mga Alagang Hayop

Sa pangunguna ng City Veterinary Services Office, iba’t ibang serbisyo ang naihatid sa mga alagang hayop ngayong buwan ng Pebrero kaisa ang iba’t ibang business establishment at pet clinic sa Lungsod ng Imus.

Noong ika-5 ng Pebrero nagsagawa ang City Veterinary Services Office sa City Health Building ng Dog Adoption Day (DAD) Program nito kung saan 24 na aso ang nabigyan ng panibagong pamilya at tahanan.

Ang Dog Adoption Day ay regular na programa ng Pamahalaang Lungsod bilang bahagi ng kampanya nito upang higit na maisulong ang kapakanan ng mga alagang hayop. Ang programa ay umani rin ng iba’t ibang papuri mula sa iba’t ibang organisasyon at maging sa pet lovers dahil sa magandang layunin nito, at bilang natatanging lungsod na nanguna sa ganitong adhikain.

Sa programang ito, dumaan sa masusing pagsusuri ang mga aso na nahuli sa lansangan at kasalukuyang nasa pangangalaga ng tanggapan. Ang bawat alagang hayop ay binigyan naman ng anti-rabies vaccination bilang proteksyon sa mga bagong mangangalaga rito.

Sa tulong din ng Consumer Care Philippines Inc. nakapamahagi ng libreng Value Starter Kit Package bilang tulong at pasasalamat sa mga nag-ampon ng alagang hayop.

Bukod sa programang ito, nakapaghatid din ang City vet ng Free Anti-Rabies Vaccination at Pet Registration sa iba’t ibang barangay sa lungsod na nagsimula noong ika-8 ng Pebrero. Sa tulong ng programa, daan-daang alagang hayop ang nabakunahan.

Naging katuwang din ng tanggapan ang Pet Family Animal Clinic (PFAC) and Grooming Center sa nasabing programa bilang pagdiriwang ng ika-limang taong anibersaryo nito.

Sa tulong ng mga ganitong programa, nahihikayat ang bawat isa na mapangalagaan ang kanilang mga alagang hayop bilang kasapi ng komunidad. Bukod sa alagang hayop, layunin din ng mga programa na mapangalagaan ang kapakanan ng mga nag-aalaga sa mga ito at magtuloy-tuloy ang hakbang tungo sa pagiging Rabies Free City ng Imus.

50total visits,1visits today

Add Comment