E-Wagayway: Sariwain ang Makasaysayan at Matagumpay na Labanan sa Alapan

E-Wagayway: Sariwain ang Makasaysayan at Matagumpay na Labanan sa Alapan

Lungsod ng Imus –  muling ipinagdiwang ng Lungsod ng Imus ang makasaysayang Labanan sa Alapan ngayong buwan ng Mayo sa pamamagitan e-Wagayway, tampok ang mga programang inihanda ng City Tourism Development Office (CTDO) na maaaring panuorin sa social media accounts ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Ngayong taon, nahaharap man ang bansa sa matinding krisis pangkalusugan, hindi pa rin ito naging hadlang upang magbaliktanaw sa tagumpay ng mga Filipino laban sa mga Kastila noong Mayo 28, 1898. Ang tagumpay sa labanang ito ang nagsilbing pambungad ng sunod-sunod pang tagumpay.

Ang paggunita sa araw ding ito ang hudyat ng pagsisimula ng pagdiriwang ng National Flag Days o Araw ng mga Watawat na nagtatapos sa deklarasyon ng kasarinlan ng Pilipinas tuwing ika-12 ng Hunyo.

Bahagi ng mga programa ang pagbabaliktanaw sa mga nakaraang pagdiriwang ng Wagayway Festival na mapapanood sa mga inihandang audio visual presentation ng Pamahalaang Lungsod.

Run for the Flag

Isa sa mga inaabangang programa ng pamahalaan ang sabayang pagtakbo sa Run for the Flag. Ang programang ito ay nagsimula noong taong 2015.

Bahagi ng isnpirasyon sa programang ang pagiging aktibo ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi sa mga health and wellness activity. Aniya, mahalaga na naisusulong ang mga gawain na makakatulong sa pagkakaroon ng maayos na kalusugan at maayos na pangangatawan ng mga mamamayan.

 

Uprising Music Festival

Noong ika-25 ng Mayo inihandog ng Pamahalaang Lungsod ang mga musika mula sa iba’t ibang lokal na banda sa Uprising Music Festival.

Nagsilbing malaking oportunidad ang programang ito upang dalhin at buhayin ang musikang Filipino at makapaghatid din ng suporta sa mga lokal na bandang Caviteño.

Malaking bahagi rin ang programa sa pagpapaunlad ng turismo sa lungsod at higit na maipamalas ang talento ng mga kababayan sa larangan ng musika.

Imus Historia Photo Challenge

Tampok naman sa isang audio visual presentation noong Mayo 26 ang talento ng mga lumahok sa Imus Historia Photo Challenge, isang paliksahan na isinagawa noong nakaraang taon na nakasentro sa pagkuha ng mga larawan na sumasalamin sa mayamang kultura at makulay na kasaysayan ng Imus.

Banderada: Wagayway Flag Parade

Isa mga pinakainaabangan tuwing Mayo ang makasaysayang Banderada: Wagayway Flag Parade, tampok ang ebolusyon at simbolismo ng watawat ng Pilipinas.

Hindi man nagkaroon ng pisikal na pagtitipon, nananatiling buhay ang makulay na kasaysayang ito sa pamamagitan ng isang audio visual presentation na sumasariwa sa mga nakaraang pagdiriwang ng lungsod.

Araw ng Watawat

Sa isang makasaysayang seremonya, ginunita ang ika-122 taong anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas at pagsisimula ng Araw ng Watawat noong ika-28 ng Mayo sa Dambana ng Pambansang Watawat ng Pilipinas o Imus Heritage Park sa Miguel Santo, Barangay Alapan II-B.

Tampok sa pagdiriwang ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak bilang pagkilala sa mga magigiting na Filipinong nakipaghimagsikan para sa kalayaan ng bansa.

23total visits,1visits today

Add Comment