Dialysis Center ng Ospital ng Imus, Pinasinayaan

Dialysis Center ng Ospital ng Imus, Pinasinayaan

Pinasinayaan at opisyal na binuksan sa publiko ang Ospital ng Imus (ONI) Dialysis Center kasama ang mga opisyales at kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Imus noong ika-16 ng Enero sa Barangay Malagasang I-G.

Pinangunahan ni Fr. Archilles G. Secio, City Mayor Emmanuel L. Maliksi at City Vice Mayor Ony M. Cantimbuhan ang pagbabasbas sa naturang pasilidad. Sa tala, mayroong walong (8) pasyente ang nabigyan ng serbisyong medikal at dumaan sa dalawang sesyon ng dialysis.

Ang kalusugan ay isa sa mga pangunahing prayoridad ng Pamahalaang Lungsod. Sa pamamagitan ng mga bagong pasilidad naghahatid ng abot kaya at agarang serbisyong medikal sa mga kababayang may higit na pangangailangan.

Kabilang na rito ang pagsisimula ng operasyon ng Ospital ng Imus noong taong 2018 kung saan libu-libong mamamayan ang natulungan. Kasunod nito ang pagbubukas ng bagong health centers sa Barangay Poblacion III-B at Bayan Luma VII upang maibaba sa mas marami pang kababayan ang libreng serbisyong medikal ng pamahalaan.

Ngayong taon, sa pagbubukas ng dialysis center, inaasahan ang mas marami pang bilang ng mga mamamayan na matutulungan. Sa pamamagitan ng mga makabagong mekanismo nito, at apat (4) na imported hemodialysis machine na ngayon ay fully operational na, inaasahan ang tuloy-tuloy at higit na maayos na serbisyo sa bawat pasyente.

Bukod sa Pamahalaang Lungsod ng Imus, kaagapay din sa operasyon ng nasabing pasilidad ang EZ Diagnosis Center LLC, Philippine na lumagda sa Memorandum of Agreement noong ika-28 ng Agosto taong 2019.

Ang mga programang ito ay ilan lamang sa mga inisyatibo at epektibong programa na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod para sa maayos na kalusugan at malakas na pangangatawan ng bawat mamamayan.

56total visits,4visits today

Add Comment