Cognitive Behavioral Therapy, Opisyal na Inilunsad sa Lungsod ng Imus

Cognitive Behavioral Therapy, Opisyal na Inilunsad sa Lungsod ng Imus

Opisyal na paglulunsad ng Cognitive Behavioral Therapy sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod, Sangguniang Panlungsod, kapulisan sa Imus at interfaith groups.

Pagbibigay ng mensahe ni Mayor Maliksi patungkol sa programa.

Imus Sports Complex – Opisyal na inilunsad noong Pebrero 8, 2018, Huwebes ang Cognitive Behavioral Therapy (CBT) para sa malawakang rehabilitation program ng drug surrenderers ng lungsod.

Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at City of Imus Anti-Drug Abuse Council (CIADAC) ang isinagawang programa kasama si Atty. Jeremiah Belgica, Legal Adviser ng konseho.

Ang CIADAC ay nasa ilalim ng pamumuno ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi at binubuo ng mga miyembro mula sa iba’t ibang ahensya ng lokal na pamahalaan at interfaith group.

Ito ang nangangasiwa sa pagresponde sa mga isyu at pagbuo ng mga programa na may kinalaman sa ipinagbabawal na droga. Sinisigurado rin nito ang pagsunod ng lungsod sa Republic Act No. 9165 o mas higit na kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Upang patatagin pa ang kampanya laban sa ilegal na droga, inilunsad nito ang CBT, isang evidence-based at results oriented na programa na tumutulong upang mabago ang pananaw, pag-uugali at paraan ng pag-iisip ng mga drug surrenderer.

Press conference – (Mula sa kaliwa) Ptr. Jun Tocmo, Vice Mayor Cantimbuhan, Mayor Maliksi, Atty. Belgica at ABC President Kap. Silvestre

Sa programang ito tinuturuan sila ng mga bagong kakayahan upang higit na makatulong sa kanilang pamilya at komunidad.

Pagkatapos ng rehabilitasyon, sila ay bibigyan ng skills training sa tulong ng Imus Vocational and Technical School (IVTS) upang matulungan silang magkaroon ng kasanayan na maaaring gamitin sa trabaho at pagkakaroon ng hanapbuhay.

Sa ngayon, mayroong 544 drug surrenders at 200 referrals na sumasailalim sa nasabing programa kasama ang 150 therapist.

Ang programa ay nagsimula noong Oktubre 2017 matapos ang ilang rehabilitation program na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod upang matulungan sa pagbabagong buhay ang mga drug surrenderers.

Katuwang ng CIADAC ang kapulisan sa Imus at mga Punong Barangay upang mahikayat pa ang marami na makiisa sa programa at sa adbokasiya ng Pamahalaang Lungsod.

106total visits,1visits today