Children’s Month 2019: Isulong ang mga Karapatang Pambata!

Children’s Month 2019: Isulong ang mga Karapatang Pambata!

Bida ang mga kabataang Imuseño sa taunang pagdiriwang ng National Children’s Month tuwing buwan ng Nobyembre na may temang “Karapatang Pambata: Patuloy na Pahalagahan at Gampanan Tungo sa Magandang Kinabukasan.”

PAGBUBUKAS NG RMHC BAHAY BULILIT LEARNING CENTER SA LUNGSOD

Opisyal na binuksan ang selebrasyon ng Buwan ng mga Bata sa pamamagitan ng isinagawang Blessing at Turnover Ceremony ng Bahay Bulilit Learning Center mula sa Ronald McDonald’s House Charities (RMHC) Philippines noong ika-4 ng Nobyembre sa Jade Residences, Malagasang I-G.

Ang pasilidad na ito ay magiging sentro ng kaalaman ng mga kabataan sa tulong ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at mga child development workers nito.

PAGPAPASINAYA NG MALIKSING KABATAAN BUILDING

Bukod sa bagong Child Development Center, pinasinayaan din ang bagong Children and Youth Development Center sa lungsod noong ika-6 ng Nobyembre sa Imus Pilot Elementary School sa pangunguna ng City of Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC), Youth Affairs Office at mga bumubuo sa Pamahalaang Lungsod ng Imus.

Ilan sa mga pasilidad dito na magsisilbing sentro ng mga programang pangkabataan ay ang auditorium, children and youth library, information and communications technology room, conference room, LCPC Office at Youth Affairs Extension Office.

PAGSASAGAWA NG UNANG REGIONAL YOUTH LEADERS’ SUMMIT

Ipinamalas ng mga kabataang Imuseño ang kanilang pagiging aktibo, determinado at responsableng lider sa unang Regional Youth Leaders’ Summit noong Nobyembre 7 sa Maliksing Kabataan Building.

Bahagi ng talakayan ang mga usapin patungkol sa sustainable development goals, environmental awareness, financial literacy, governance, technical education, livelihood, gender equality at tourism.

LOCAL STATE OF THE CHILDREN’S REPORT 2019

Ibinahagi ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi ang iba’t ibang programang pangkabataan sa kaniyang taunang Local State of the Children’s Report noong Nobyembre 8 sa Imus Sports Complex na nakasentro sa pangangalaga ng mga karapatang pambata: Karapatang maipagtanggol, mabuhay, umunlad at makilahok.

Ang programa ay dinaluhan ng libu-libong Imuseño na binubuo ng mga mag-aaral, guro, kooperatiba, BIDA KArd partner establishments, opisyales ng barangay, mga kasapi at kinatawan ng iba’t ibang organisasyon at institusyon sa lungsod.

Sa isinagawang presentasyon, ipinamalas din ang mga natatanging talento ng mga mag-aaral sa larangan ng spoken word poetry tampok ang kanilang mga sariling komposisyon patungkol sa mga karapatang pambata.

Dito, iginawad din ang mga portable sound system sa mga pampublikong paaralan sa Imus, at kinilala ang mga natatangi at epektibong kontribusyon at programa ng mga barangay sa Most Child Friendly at Child-Friendly Barangay Award.

EDUCATIONAL FILM SHOWING

Kabilang din sa programang isinagawa ang libreng film showing na dinaluhan ng nasa 96 na kabataan katuwang ang City Parks and Historical Sites Administration Unit. Ito ay naghatid ng kasiyahan sa mga kabataan at nagsilbing daan sa higit na paglinang ng kanilang kaisipan.

OK AWARDS: PAGKILALA SA MGA NATATANGING KABATAANG IMUSEÑO

Sa katatapos lamang na Outstanding Kabataan (OK) Awards noong Nobyembre 9, kinilala ang natatanging kontribusyon ng mga kabataan sa Lungsod ng Imus.

Mula sa 45 na nominado na masusing dumaan sa isinagawang screening, 20 kabataang Imuseño ang nagawaran ng iba’t ibang parangal. Kabilang dito ang Most Achieve Youth Leader na iginawad kay Eunice Aubrey Sunglao, na siyang pinakamataas na pagkilala sa nasabing patimpalak.

Pinangunahan ng Youth Affairs Office at City of Imus LCPC ang nasabing programa na naglalayong ibida ang mga kakayahan, husay at talento ng mga kabataan.

BIDA ANG SAYA SA KAUNA-UNAHANG JOLLIBEE KIDS EXPO

Bida ang saya kasama ang Jollibee sa kauna-unahang Kids Expo tampok ang mga BIDA KArd holders na masayang nakilahok sa iba’t ibang palaro at programa sa Imus Sports Complex noong Nobyembre 12.

Ang Jollibee ay isa lamang sa mga BIDA KArd partner establishments ng lungsod na nagbibigay ng discounts at natatanging pribilehiyo sa mga kabataang Imuseño.

LUNGSOD NG IMUS PINANGUNAHAN ANG IKALAWANG TAON NG EK NATIONAL CONFERENCE 2019

Muling ibinida ng Pamahalaang Lungsod ang mga natatanging programa nito sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng kooperatibismo sa bansa sa ikalawang EK National Conference sa temang “Children and Youth: The New Face and Next Phase of the Philippine Cooperative Movement” noong Nobyembre 14-16 sa Tagaytay International Convention Center (TICC).

Humigit kumulang 700 na delegado ang dumalo kabilang na ang iba’t ibang local government units, kooperatiba at mga institusyon na aktibong nakibahagi sa mga makabuluhang talakayan para sa pagpapalawig na kilusang kooperatiba.

Naging matagumpay ang programa sa tulong ng LCPC, CICLEDO, Cooperative Development Authority (CDA) at Imus Cooperative Federation (ICF).

EK BAZAAR: BIDA ANG BATANG ENTREPRENEUR

Kasama ang CICLEDO at Local Economic and Investment Promotion Unit (LEIPO), ipinamalas ng mga kabataang Imuseño ang husay sa pagnenegosyo at pagiging malikhain sa isinagawang EK Bazaar noong Nobyembre 19-20 sa Robinsons Place Imus Activity Area.

Tampok sa dalawang araw ng trade fair ang mga iba’t ibang putahe ng pagkain, inumin, damit, at ibang produktong orihinal na nilikha ng mga kabataang entrepreneur sa lungsod.

1st CITY OF IMUS FILM FESTIVAL (CIIFF) 2019 AWARDS NIGHT

Ginawaran ng natatanging parangal ang mga kabataang Imuseño sa kauna-unahang City of Imus International Film Festival (CIIFF) katuwang ang Youth Affairs Office noong ika-21 ng Nobyembre sa Maliksing Kabataan Building.

Ang CIIFF ay isang aktibidad para sa mga kabataang mag-aaral ng Imus na may talento sa paglikha ng maiikising pelikula.  Nasa 10 nominado na dumaan sa masusing eliminasyon ay nagpamalas ng kanilang husay sa iba’t ibang tema.

Samantala, nagpalabas din ang grupo na nagmula sa bansang Malaysia at ang Halikon Short Film sa isinagawang Exhibition Category.

Itinanghal naman ang Lunti Production bilang Best Film sa pamumuno ni Erika Lei Reyes para sa maiksing pelikula na pinamagatang “Tumbang Preso.” Ginawaran din ng iba’t ibang parangal ang mga kabataang lumahok para sa iba’t ibang kategorya sa pangunguna ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi.

3RD CITY OF IMUS BOOK AND TRADE FAIR

Humigit kumulang 26 na exhibitors ang nakiisa sa ikatlong City of Imus Book and Trade Fair noong Nobyembre 21-23 sa Robinsons Place Imus Activity Area sa pangunguna ng City of Imus LCPC.

Tampok din dito ang iba’t ibang mga aktibidad na inihanda ng mga exhibitors na naglalayong maghatid ng aral at kaalaman sa mga kabataang Imuseño. Kabilang na rito ang storytelling activity kasama ang aktor at host ng kilalang TV show na “Batibot,” Kuya Bodjie Pacua.

EDUCATION FAIR FOR SENIOR HIGH SCHOOLS

Isa sa mga prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ang edukasyon ng bawat kabataang Imuseño. Dahil dito, patuloy ang pagsulong ng mga programang magbibigay ng kaalaman at magpapalawak sa kaisipan ng mga mamamayan tungo sa pansarili at pangkalahatang kaunlaran.

Bahagi nito ang isinagawang Education Fair noong Nobyembre 25 sa Imus Sports Complex para sa mga mag-aaral ng senior high school sa Imus.

Sa programang ito, binigyan ng sapat ng kaalaman ang mga mag-aaral sa pagpili ng tamang kurso sa kolehiyo, at ilang istratehiya sa mga naghahanap ng trabaho at nais magsimula ng maliit na negosyo.

KIDDIELYMPICS

Bahagi ng taunang selebrasyon ng National Children’s Month ang Kiddielympics katuwang ang CSWDO at City of Imus LCPC noong Nobyembre 27 sa Imus Sports Complex. Sa programang ito ipinamalas ng mga mag-aaral ng Child Development Centers sa lungsod ang kanilang liksi at talento sa iba’t ibang laro at pagtatanghal kasama ang kanilang mga guro at magulang.

SPECIABILITIES FESTIVAL: IMUSIKAPANSANAN YEAR 3

Bilang pagtatapos ng isang buwang pagdiriwang, muling nagtanghal ang mga piling mag-aaral ng Public SPED Schools sa lungsod sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at City of Imus LCPC sa ikatlong taon ng Imusikapansanan noong Nobyembre 28 sa Imus Sports Complex.

Ipinamalas ng mga persons with disability (PWD) ang kanilang talento sa pagsayaw at pag-awit na naghatid ng isang makabuluhan at nakakaantig sa pusong pagtatanghal.

 

669total visits,1visits today

Add Comment