Children’s Month 2018, Siksik na Selebration sa Imus

Children’s Month 2018, Siksik na Selebration sa Imus

Napuno ng mga makakabuluhang aktibidad para sa mga kabataang Imuseño ang buwan ng Nobyembre bilang pagdiriwang ng National Children’s Month na may temang “Isulong Tamang Pag-aaruga para sa Lahat ng Bata!”  Narito ang iba’t ibang mga programang isinagawa para sa benepisyo ng mga bata:

Imus Book Fair

Sa ikalawang taon, nagsagawa ng Imus Book Fair sa The District Imus Activity Area mula Nobyember 22 hanggang 24. Sa panahon ng internet, ang proyektong ito ay nagpapakita na buhay na buhay pa rin ang pagmamahal ng mga Imuseño sa aklat at patuloy pa rin ang pagkatuto ng mga kabataan.

Sa Imus Bida ang Bata: LCSR 2018

Inilahad ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi ang taunang Local State of the Children’s Report (LSCR 2018) noong Nobyembre 16, 2018 sa Imus Sports Complex.

“Mahalagang maramdaman ng bawat kabataan ang tunay na pag-aalaga. Kaya nga sa pamamagitan ng ating mga programa, tinututukan ng pamahalaang panlungsod ang bawat kabataang Imuseno,” ayon kay Mayor Maliksi.

Espesyal ang nasabing pagdiriwang dahil ngayong taon, muling ginawaran ng Seal of Child-Friendly Local Governance ang Imus sa limang magkakasunod na taon.

Social Media Fest

Isinagawa naman ang ika-3 Social Media Fest sa pamumuno ng Youth Affairs Office noong Nobyembre 21, 2018 sa Imus Sports Complex. Ito ay dinaluhan ng mahigit 100 mag-aaral sa iba’t ibang mataas na paaralan ng Imus. Sa nasabing fest, nagkaroon ng talakayan sa epekto ng social media sa buhay ng isang kabataan sa pamamagitan ng short film clips at diskusyon. Nagpakita rin ng iba’t ibang talento ang mga kalahok ng nasabing programa.

IYLDP Ball

Sa pamumuno ni Mayor Maliksi, ipinagdiwang ang ika-10 taong anibersaryo ng Imus Youth Leadership Development Program sa pamamagitan ng Youth Affairs Office. Isinagawa ang pagdiriwang sa pamamagitan ng IYLDP Alumni Ball noong Nobyembre 10 na ginanap sa Bayleaf Hotel, Gen. Trias City. Kalahok sa nasabing ball ang mga alumni na youth leaders ng nasabing programa mula taong 2008.

Imusikapansanan

Noong Nobyembre 20, isinagawa ang Speciabilities Festival: Imusikapansanan sa Imus Sports Complex na dinaluhan ng mga mag-aaral ng Special Education class sa pampubliko at pribadong paaralan sa Imus. Naisagawa ang nasabing festival sa pangunguna ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) at City of Imus Local Council for the Protection of Children (LCPC).  Dito patuloy na ipinapakita ng Lungsod ang suporta at pagkilala sa kakayahan at husay ng mga bata kahit pa sila ay may kapansanan.

 

Kiddielympics

Nilahukan ng mga mag-aaral ng Child Development Centers sa Imus ang dalawang araw na Kiddielympics noong Nobyembre 29, 2018 sa tulong ng City Social Welfare and Development Office at ng City of Imus Local Council for the Protection of Children.

 

Yeoncheon Visit

Sa ikalawang pagkakataon, muling bumisita sa Imus ang mga volunteer ng sister city nito sa South Korea – ang Yeoncheon County. Lumagda ng Memorandum of Agreement ang Yeoncheon Volunteer Center (YVC) at ang Local Council for the Protection of Children ng Imus sa pamumuno ni Mayor Maliksi tungkol sa kanilang gagawing mga programa. Nanatili sa lungsod ang mga butihing volunteers mula Nobyembre 19 hanggang 23, 2018.

BNS Workshop

Mula Nobyembre 5 hanggang 23, isinagawa ang Workshop and Capacity Building para sa mga Barangay Nutrition Scholars sa Imus Training Center. Kinikilala ni Mayor Maliksi ang kontribusyon ng mga BNS sa pagseseguro sa kalusugan ng mga kabataan. “Naniniwala ako na dapat paglaanan ang edukasyon at kalusugan ng mga kabataan na magiging future leaders ng ating bansa,” ayon kay Mayor Maliksi.

 

 

Edukasyon Fair

Sa pakikipagtulungan sa Edukasyon.ph, isang non-profit organization na nagsusulong ng edukasyon sa bansa, isinagawa ang Edukasyon Fair sa lungsod na dinaluhan ng iba’t ibang stakeholders sa larangan ng edukasyon sa lungsod, kabilang na rito ang student leaders, LGU partners at academe. Ginanap ito sa Imus Sports Complex noong Nobyembre 22 at 23, 2018 bilang pagtugon na rin sa pangangailangan ng mga kabataan sa larangan ng edukasyon na ayon kay Mayor Maliksi ay investment ng bansa sa kinabukasan nito.

OK Awards

Noong Nobyembre 9, sa pagtutulungan ng Youth Affairs Office at Local Council for the Protection of Children, muling isinagawa ang taunang Oustanding Kabataan (OK) Awards sa The District Imus na kumikilala sa mga natatanging kabataan na namamayagpag sa iba’t ibang larangan. Naparangalan si Angela Ken T. Rojas ng Josiah Christian Values School bilang Outstanding Youth Performer of 2018 at si Karen Kate Celajes, Sangguniang Kabataan councilor ng Malagasang II-B bilang Supreme Youth Leader of the Year.

BCPC Capacity Building

Mula Nobyembre 26 hanggang 29, isinagawa ang Capacity Building for the Strengthening of Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) sa Imus Multipurpose Hall. Kinikilala ni Mayor Maliksi ang masigasig na paglilingkod ng bawat kabahagi ng BCPC upang mapangalagaan ang kalagayan ng mga kabataan kung kaya patuloy ang pagtulong niya sa kanilang hanay sa pamamagitan ng taunang capacity building seminar.

Lahat ng ito ay masusing pinaghandaan at pinagtulungan ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod, kasama na rin ang mga katuwang mula sa pribadong sektor at non-government organizations (NGOs).  Dahil sa mga programang ito, na karamihan ay taun-taon isinasagawa, hindi malayong masungkit din ng Imus ang Presidential Award para sa Seal of Child-Friendly Local Governance sa mga susunod pang taon.

294total visits,1visits today