Buwan ng Kababaihan, Masayang Ipinagdiwang sa Lungsod ng Imus

Buwan ng Kababaihan, Masayang Ipinagdiwang sa Lungsod ng Imus

Masayang ipinagdiwang ng Lungsod ng Imus ang Buwan ng mga Kababaihan sa tulong ng iba’t ibang mga programa sa pangunguna ni Kon. Eunice C. Ferriol-Quizol bilang Committee Chair on Women and Family Welfare katuwang ang Gender and Development (GAD) sa pamumuno ni SP Secretary Jem Yulo para sa buong buwan ng Marso.

Ang selebrasyong ito ay taunang ipinagdiriwang ng lungsod upang kilalanin ang husay at kontribusyon ng mga kababaihan sa bayan.

Tampok sa mga inihandang programa ang mga aktibidad para sa mga kababaihang empleyado ng Pamahalaang Lungsod kabilang na ang Parade of Men for Women bilang suporta ng mga kalalakihan sa mga karapatan ng mga kababaihan; Cookfest ni Erpats, kung saan nagpaliksahan ang mga kalalahikang empleyado sa pagluluto ng Adobo; Women’s Field Day para sa paghahatid ng serbisyo sa mga kababaihang empleyado gaya ng haircut, manicure, pedicure, massage at wellness sa pakikipagtulungan ng Imus Vocational and Technical School (IVTS); at Usapang Pangkababaihan, Self-defense at Life Saving Techniques na nagbigay ng kaalaman sa mga kababaihan tungkol sa pangangalaga sa kalusugan at pagtatanggol sa sarili.

Isa rin sa mga tinututukan ng Pamahalaang Lungsod ang health and wellness ng mga kababaihan. Dahil dito patuloy ang pagsasagawa ng Zumba para sa mga “Juana” sa Juana Be Fit Year 5 ni Kon. Eunice Ferriol-Quizol, Dance your Way to Women’s Day bilang selebrasyon sa kaarawan ni Mrs. Jelyn Laosantos-Maliksi at Zumba PESO Fest ng Public Employment Service Office (PESO).

Taunan ding isinasagawa ang Buntis Congress para sa daan-daang kababaihan na isa sa mga highlight ng pagdiriwang. Dito, sila ay nakatanggap ng iba’t ibang serbisyo para sa kalusugan nila at ng kanilang sanggol noong Marso 14 sa Imus Sports Complex.

Patuloy din ang pagbibigay ng trabaho at tulong sa mga Imuseño ng PESO sa kanilang Mega Job Fair with One-Stop Shop na kung saan maaari ring ayusin ang SSS, Philhealth at Pag-ibig. Hindi rin ito nagpahuli sa pagbibigay ng libreng livelihood seminar at iba pang serbisyo upang matulungan ang mga mamamayan na magkaroon ng maayos na pagkakakitaan.

Isinusulong din ng Pamahalaang Lungsod ang mga karapatan ng mga kababaihan sa isinagawang mga seminar nito sa Imus Multipurpose Hall noong Marso 19 at 23.

Bilang pagtatapos ng programa, binigyan ng pamahalaang lokal ang mga Barangay VAWC Desk Officer ng orientation para sa maayos na pagtanggap ng mga kaso mula sa mga inabusong kababaihan.

Ang buong buwan ng Marso ay nag-uumapaw sa saya at serbisyo para sa mga kababaihan ng Imus. Ito ay taunang isasagawa upang maipakita ang importansya ng mga kababaihan at ng kanilang natatanging kontribusyon sa kaunlaran ng lungsod.

110total visits,1visits today