Brigada Eskwela: Bayanihan para sa Malinis at Maayos na Paaralan

Brigada Eskwela: Bayanihan para sa Malinis at Maayos na Paaralan

Noong ika-28 ng Mayo sinimulan ang Brigada Eskwela sa bawat pampublikong paaralan sa Lungsod ng Imus sa pangunguna ng Imus City Schools Division Office (DepEd Imus).

Ang taunang Brigada Eskwela sa temang “Pagkakaisa para sa Handa, Ligtas at Matatag na Paaralan tungo sa Magandang Kinabukasan,” ay isang programa para sa tulong-tulong na pagsasaayos ng mga pampublikong paaralan.

Kabilang sa mga nakikiisa sa programa ang Pamahalaang Lungsod at iba’t ibang organisasyon na boluntaryong naglalaan ng kanilang mga oras at nagbabahagi ng tulong para sa mga kinakailangang kagamitan.

Sinisikap ng programa na mabigyan ang mga mag-aaral ng malinis at maayos na lugar para sa kanilang pag-aaral.

Bukod sa Brigada Eskwela, marami pang pagawain sa paaralan ang sinisikap ng Pamahalaang Lungsod na matugunan. Isa na rito ang E-Learning ng mga mag-aaral na tinutulungan ng Project EMMANUEL (E-Learning Maximizes and Modernizes Acquisition of Never-ending, Unparalleled and Enhanced Literacy). Sa pamamagitan ng programang ito nakapagbigay ang pamahalaan ng 172 laptops, 298 LCDs/DLPs, 460 Widescreen at 260 na 30” LED TV sa mga pampublikong paaralan.

Kasama rin sa mga programang pang edukasyon ang patuloy na pamamahagi ng tulong pinansyal para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga kabataang Imuseño sa pamamagitan ng Maliksing Iskolar.

Ayon kay City Mayor Emmanuel L. Maliksi, mahalaga ang ambag ng edukasyon sa paghubog ng kakayahan at pagkamit ng magandang kinabukasan ng mga kabataan. Dagdag pa nito, malaki ang tulong ng edukasyon upang maitaas ang kalidad at antas ng buhay ng bawat pamilyang Imuseño.

 

128total visits,1visits today