Bida ang Kabataan sa Imus YOUth Month Celebration

Bida ang Kabataan sa Imus YOUth Month Celebration

Ang pagdiriwang ng International Youth Day tuwing ika-12 Agosto taun-taon ay itinalaga ng United Nations (UN) sa pamamagitan ng isang resolusyon noong 1999 at sinimulang gunitain ng mga kasaping bansa noong 2000.  Ito ay nagsisilbing pagkilala sa mga kabataan bilang mga epektibong tagapagsulong ng pagbabago.  Dala ang temang “Youth Building Peace” ngayong taon, ang selebrasyon ay nakasentro sa pagkilala ng ambag ng kabataan sa pagsusulong ng conflict prevention, katarungang panlipunan at pagpapanatili ng kapayapaan.

Kaisa ng layuning ito, ang lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Imus, sa inisyatibo ni City Mayor Emmanuel L. Maliksi, ay naghanda ng iba’t ibang aktibidad para sa mga kabataan sa pangunguna ng Youth Affairs Unit.  Bukod sa paghahatid ng kasiyahan, napapaloob din sa mga aktibidad na ito ang paglinang ng galing at talento ng mga kabataang Imuseño gayundin ang pagpapalakas sa kani-kanilang mga kakayahan.

Bilang panimula, noong ika-12 ng Agosto ay nagkaroon ng pagtatanghal ng spoken word poetry sa Buku-Buku Kafe sa The District Imus.  Nagsama-sama ang mga modernong makatang kabataan para magbahagi ng kani-kanilang mga malikhaing komposisyon na hinangaan at kinagiliwan ng mga nanood.

Naging pinakatampok naman ng isang buwang pagdiriwang ang isinagawang Youth Fair noong ika-15 ng Agosto sa Imus Sports Complex sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang samahan ng mga kabataan. Labinlimang booths ang binuksan para sa mga organisasyon at iba pang establisimyento para sa mga kabataang dumalo at nakiisa sa mga programa at serbisyong handog tulad ng libreng gupit, manicure, pedicure, edukasyong pangkabuhayan, at food fair.  Isinagawa din ang Youth Forum kung saan nagbahagi ng kanilang kaalaman at kuro-kuro ang mga kilalang youth leaders na sina G. Jose A. Cielos ng National Youth Commission, G. JJ Villanueva ng De La Salle University – Dasmariñas at Bb. LA Cantimbuhan ng Imus Empowered Youth Movement at Blaze.  Hatid nito ang mga bagong kaalaman at kaisipan para sa mga kabataan sa larangan ng pamumuno.

Sa ikalawang bahagi ng programa ng araw na iyon ay nagkaroon din ng Battle of the Bands na nilahukan ng mga talentadong musikerong kabataan ng Imus maging ng mga karatig-bayan.  Wagi sa patimpalak ang The Fourth Day (1st Place), Barlam and Friends (2nd Place) at Kabataang Musikero (3rd Place), na bukod sa nagpakita ng kanilang husay sa pagtugtog ay nagparinig din ng kanilang mga orihinal na komposisyong awit para sa mga kabataan.

Ika-18 ng Agosto naman nang ilunsad ang Imus Youth Leadership Development Program 2017 sa The District Imus Activity Area. Sa ilalim ng programang ito, ilang piling kabataan mula sa iba’t ibang paaralan ng Imus na nagpakita ng husay sa akademiko ang bibigyan ng pagkakataong sumailalim sa pagsasanay upang lalo pang linangin ang kanilang mga kakayahan at maging mas epektibong youth leader sa mga kabataang Imuseño.

Sa kanyang video message para sa mga kabataan sa www.un.org, binigyang-diin ng UN Youth Envoy na si Bb. Jayathma Wickramanayake, ang lakas ng kabataan sa kasalukuyan nitong populasyon na pinakamataas sa kasaysayan.

Bilang isang napakalaking sektor ng pamayanan, maraming magagawa ang aktibong pakikibahagi ng kasalukuyang henerasyon para sa ikalulutas ng mga isyung panlipunan tulad ng kawalan ng trabaho, suliraning pangkapayapaan, kalusugan at iba pa.  Ang natapos na pagdiriwang ng Youth Month ay naging makabuluhang bahagi ng adhikaing ng UN. Maaasahan din ang patuloy na pagsuporta at pagkilala ng Pamahalaang Lungsod sa boses at kakayahan ng Kabataang Imuseño tungo sa mas maunlad at mapayapang lungsod.

16total visits,1visits today

Add Comment