Bayanihan para sa Masustansyang Kinabukasan: Kusina ng Kalinga, Inilunsad sa Imus

Bayanihan para sa Masustansyang Kinabukasan: Kusina ng Kalinga, Inilunsad sa Imus

LUNGSOD ng Imus – Pormal na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ng Gawad Kalinga (GK), ang Kusina ng Kalinga Project sa GK Alapan site noong ika-11 ng Enero.

Layunin ng programa na mabigyan ang 1,000 kabataan araw-araw ng masustansyang pagkain sa loob ng isang buwan. Ito ay upang makatulong sa kanilang paglaki tungo sa malusog na pangangatawan.

“Gusto syempre natin dito sa ating lungsod na matapos ang incidents ng malnutrition. Pag malnourish ang bata nahihirapan din sa pag-aaral. Mahalaga po talaga [rito] ‘yung pagkain. Hindi basta pagkain lang, dapat nutritious [din], na talagang magsusustena sa kaniyang pangangailangang pisikal,” aniya ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi na pinasinayaan ang programa.

Naging katuwang din niya sina Dr. Ferdinand Mina, City Nutrition Officer at Ms. Cristine Balana, City Nutritionist ng City Health Office, mga naninirahan sa Gawad Kalinga at Barangay Nutrition Scholars (BNS) sa paghahatid ng pagkain sa mga kabataan sa iba’t ibang mga barangay.

Ang Kusina ng Kalinga ay programa ng GK na may layuning mawakasan ang kakulangan sa pagkain at malnutrisyon sa mga komunidad.

Ayon sa 2015 report ng United Nations Children’s Emergency Fund (UNICEF), humigit kumulang 95 bata ang namamatay kada-araw dahil sa malnutrisyon. Nakakaapekto ito sa paglaki ng isang bata lalo na sa usapin ng stunting o hindi paglaki na naaayon sa edad dahil sa kakulangan sa nutrisyon.

Sa datos ng Global Nutrition Report, nasa 30.3% ng mga batang nasa limang (5) taong gulang pababa sa Pilipinas ang maaring maapektuhan ng stunting. Kapag hindi ito naagapan, 127 milyong kabataan sa nasabing edad ang nanganganib na matamaan sa taong 2025.

Kaakibat ng programang ito ang iba pang mga programa ng pamahalaan tulad ng regular na medical check-up, Operation Timbang, at immunization program bilang bahagi ng pagsulong sa tamang kalusugan ng mga batang Imuseño.

Sa panahon na nahaharap ang bansa sa matinding krisis pangkalusugan, mas higit na kinakailangan ng mga kabataan ang gabay tungo sa kanilang masustansyang kinabukasan.

“Hopefully hindi lamang sa pamimigay ng pagkain, pero maituro talaga natin sa mga magulang kung paano sa simpleng pagkain na lulutuin, [mayroong] pupuwede tayong iluto para masustenahan ang nutrisyon na kailangan talaga ng mga batang ito.”

7831total visits,269visits today

Add Comment