Bayanihan, Ipinamalas sa Isinagawang PSL- Maliksi Cup: Spike for a Cause

Bayanihan, Ipinamalas sa Isinagawang PSL- Maliksi Cup: Spike for a Cause

Lungsod ng Imus – Muling nagpasiklaban ang mga koponan ng Philippine SuperLiga (PSL) sa Imus Sports Complex para sa Maliksi Cup: Spike for a Cause na nagsimula noong ika-3 ng Pebrero kasama ang West Japan All Stars para sa pagkalap ng mga donasyon sa Taal evacuees.

Kabilang sa tatlong (3) koponan ng PSL na humarap sa mga manlalaro ng West Japan University ang Sta. Lucia, Cignal at Generika-Ayala. Ito ang nagsilbing panimula ng pinakaaabangang 2020 PSL Grand Prix.

Bagama’t kilala ang nasabing paligsahan sa mga sikat na manlalaro ng bawat koponan, nangibabaw ang bayanihan sa pagtutulungan ng PSL at Pamahalaang Lungsod ng Imus na makakalap ng karagdagang donasyon sa mga apektado ng pagsabog ng Taal.

Kapalit ng admission ticket, kinakailangang magdala ng mga hygiene kits, beddings at sanitary supplies ang mga nais manood. Ang mga ito ay ilan sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Taal evacuees na dapat matugunan.

Sa isang set ng hygiene kit (Option A) at beddings (Option B) ay kaakibat ang isang (1) admission ticket, samanatalang dalawang (2) ticket naman para sa sanitary supplies (Option C).

Ang bilang ng mga admission ticket na ipinamahagi ay nakabatay sa dami ng donasyon na ibinigay. Nagsimula ang registration sa Spike for a Cause noong ika-29 ng Enero sa City Sports Development Office.

Buhat sa malaking bilang ng mga lumikas at biktima ng pagsabog ng Taal, nais ng Pamahalaang Lungsod at PSL na matulungan ang mga mamamayan at maging kaagapay nito sa pagbangong muli ng mga apektadong lugar.

Bukod sa inisyatibong ito, nagbahagi rin ng tulong ang bawat koponan ng PSL kabilang na ang Petron, Marinerang Pilipina, PLDT Home Fibr, Chery Tiggo at F2 Logistics, maging ang dalawang (2) manlalaro ng West Japan All Stars na nagsagawa ng auction para sa jersey nito. Ang mga nalikom dito ay ibinahagi rin sa mga nasalanta.

Itinanghal naman na kampeon ang West Japan All Stars sa nasabing paligsahan. Ang pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at PSL sa katatapos lamang na Spike for a Cause ay isa lamang sa mga programang isinagawa upang magbigay ng agarang tulong sa Taal evacuees.

50total visits,1visits today

Add Comment