Bayanihan: Imus, Konektado sa Edukasyong Makabago

Bayanihan: Imus, Konektado sa Edukasyong Makabago

LUNGSOD ng Imus – Bilang tugon sa malaking epekto ng kinakaharap na krisis pangkalusugan ng bansa sa edukasyon ng mga kabataan, naglunsad ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng programa noong ika-28 ng Agosto sa Imus National high School – Main upang matulungan ang bawat paaralan at mag-aaral na Imuseño – ang BIDA I-KonEK Mo: Bayanihang Imuseño, Damayang Areglado! Imus, Konektado sa Edukasyong Makabago.

Ang programang ito, na maituturing na kauna-unahan sa bansa ay naging posible sa pakikipagtulungan ng Converge ICT para sa mabilis at reliable internet connection, at Imus City Schools Division Office (DepEd Imus) para sa patuloy na paghahatid ng kalidad na edukasyon sa lahat.

Bukod sa pagbibigay ng internet access sa 36 na pampublikong paaralan, naglagay din ang programa sa loob ng bawat kabahayan ng mga partner community nito, kabilang ang 683 na mag-aaral sa Sitio Pulo, Barangay Anabu 2-C at 93 mag-aaral ng Sitio Sto. Niño, Barangay Anabu 1-G.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan upang makapaglagay ng mabilis na internet connection sa iba pang mga lugar sa lungsod.

Isa rin sa ipinagmamalaki ng programa ang localization ng mga educational platform ng Department of Education (DepEd). Sa pamamagitan nito, mas madali para sa mga kabataang Imuseño ang pagbubukas ng mga educational sites at materials na kinakailangan para sa kanilang pag-aaral nang hindi ginagamitan ng mataas na bandwidth.

Sa ilalim ng programa, inilunsad din ang EKonnect: Educational Gadget Loan Promo sa tulong ng City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial, and Enterprise Development Office (CICLEDO), Imus Cooperative Federation, Guardian Cooperatives at Eskwela Kooperatiba (EK) para sa mga mag-aaral na miyembro ng EK, isang programa ng Pamahalaang Lungsod kung saan tinuturuan ang mga kabataan na mag-impok sa murang edad pa lamang.

Dito, maaaring kumuha ang mga miyembro ng sariling gadget sa murang halaga para sa kanilang online classes, at bayaran ng lima (5) hanggang 10 installment sa loob ng limang (5) buwan.

Sa kasalukuyan, ang EK program ay kinabibilangan ng 13 Guardian Cooperatives, 45 na paaralan at 45,000 na miyembro.

Upang higit na masiguro ang kalidad na edukasyon para sa bawat Imuseño, ang Pamahalaang Lungsod ay naghatid din ng mga IT equipment sa mga pampublikong paaralan at nanguna sa produksyon ng mga gagamiting learning modules.

“Ito ang point-to-point solution ng Pamahalaang Lungsod upang tulungan ang mga mag-aaral na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng pandemya,” aniya ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi. Dagdag pa niya, malaki ang bahagi ng edukasyon sa pag-abot ng magandang kinabukasan ng bawat mamamayan. Naniniwala rin ito sa husay at kakayahan ng bawat kabataan bilang mga susunod na lider at propesyunal ng bansa.

Patuloy din ang paghikayat ng Punong Lungsod sa pakikiisa ng iba’t ibang sektor at ng lahat ng mamamayan upang maiahon ang bawat isa sa kasalukuyang kinakaharap na krisis.

Ang lahat ng ito ay ilan lamang sa mga hakbang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus alinsunod sa tinatawag na ‘New Normal’ buhat ng pandemya. Tinitiyak din ng pamahalaan na patuloy ang suporta nito sa mga adhikain at programa para sa kapakanan ng mga mamamayang Imuseño.

26total visits,1visits today

Add Comment