#BataAngBida sa Taunang Pagdiriwang ng Imus ng National Children’s Month

#BataAngBida sa Taunang Pagdiriwang ng Imus ng National Children’s Month

Local State of the Children’s Report 2017

Kaisa ng buong Pilipinas sa pagdiriwang ng National Children’s Month nitong Nobyembre, muling naghatid ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng mga makabuluhang proyekto para sa mga batang Imuseño. Dala ang temang “Bata: Iligtas sa Droga,” ang mga aktibidad na kalakip ng pagdiriwang ay naglayong mas palawakin ang pangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan  sa pamamagitan ng mga learning at advocacy activities hindi lamang para sa mga bata kung hindi para rin sa mga magulang at mga katuwang sa pamayanan.

Noong ika-6 hanggang ika-8 ng Nobyembre ay nagsagawa ng 3-day Workshop on the Comprehensive Local Juvenile Investment Plan ang mga social worker at mga opisyal ng barangay para sa mga inilalaang proyekto para sa kapakinabangan ng mga bata.  Kasabay nito ay nagdaos din ng Education Fair noong ika-6 at 7 ng Nobyembre sa Robinsons Place Imus na pinangunahan ng Edukasyon.ph ang isinagawang programa para sa mga senior high school ng Imus.  Upang madagdagan ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa tamang pangangasiwa ng pananalapi, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod sa tulong ng City of Imus Cooperative Development Office (CICDO) ng Financial Literacy Festival at Youth Summit sa may 10 kooperatiba at 33 na mga paaralan noong ika-10 ng Nobyembre sa Imus Sports Complex.

Hindi kumpleto ang pagdiriwang ng Children’s Month sa Imus kung wala ang pag-uulat ng Punong Lungsod, Igg. Emmanuel L. Maliksi, ang Local State of the Children’s Report na isinagawa noong ika-17 ng Nobyembre.  Muling inihayag ni Mayor Maliksi ang mga kasalukuyan at natapos nang proyekto para sa mga kabataang Imuseño para sa taong 2016 at 2017.

Kabilang sa ulat ng punong-lungsod ay ang patuloy ding pagpapatupad ng iba-ibang proyektong pang-imprastraktura sa may 16 na paaralan sa Imus sa kasalukuyan para mas maging epektibo ang serbisyong pang-edukasyon sa mga kabataan.  Kabilang dito ang pagpapaayos ng mga pasilidad at istrukturang magpapanatili ng kanilang kalusugan, kaligtasan, at seguridad.

Binigyang pagkilala din ang mga barangay na masisigasig para sa mga programang pang-kabataan sa Most Child-Friendly Barangay Awarding ceremony kung saan hinirang ang Barangay Bayan Luma 8, Bucandala 2, Magdalo, Maharlika, Malagasang 2-D, Malagasang 2-G, Pinagbuklod at Tanzang Luma 4.

Bida naman ang lakas ng mga bata sa Kiddielympics noong Nobyembre 20-21 sa Imus Sports Complex kung saan nagtagisan sila ng galing sa iba’t ibang palaro.  Hindi rin nagpahuli ang mga batang may special abilities sa pagpapakitang gilas ng kanilang mga talento at kakayahan sa ginawang iMUSikapansanan: Speciabilities Festival noong Nobyembre 22.

Dumalaw din sa Lungsod ng Imus ang delegasyon ng Yeoncheon Volunteer Center na mula sa Yeoncheon, Korea na sister city ng Imus noong Nobyembre 22-23.   Sa kauna-unahan ding pagkakataon, noong Nobyembre 23-25, ay idinaos ang City of Imus Book Fair sa The District Imus, kung saan daan-daang aklat ang napamilian ng mga mag-aaral.

Matatandaang para sa mga serbisyong pangkabataan, naka-sentro ang Pamahalaang Lungsod sa pangangalaga at pagtataguyod ng kanilang apat na pangunahing karapatan: ang karapatang mabuhay, maipagtanggol, umunlad, at makilahok.  Kung kaya’t tatlong sunod na taon na ring ginagawaran ang Imus ng Seal of Child-Friendly Local Governance ng Philippine Council for the Welfare of Children para sa komprehensibong mga programa patungkol sa mga kabataan.  Sa tapat na malasakit at dedikasyon ng Imus para sa mga kabataan, ang pangangalaga sa kanilang kapakanan sa pamamagitan ng Epektibong Lingkod Mamamayan ay hindi lamang sa pagdiriwang ng children’s month kung hindi palagiang maaasahan.

277total visits,2visits today

Add Comment