Bagong Imus City Police Station, Pinasinayaan

Bagong Imus City Police Station, Pinasinayaan

LUNGSOD ng Imus – Pinasinayaan ang bagong Imus City Police Station noong ika-4 ng Setyembre 2020 sa Pedro Reyes St. Barangay Malagasang 1-G sa pangunguna ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi at Regional Director PBGEN. Vicente Danao, Jr. ng Police Regional Office – 4A CALABARZON bilang panauhing pandangal.

Ang Imus Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni PLTC Gerald S. Dee ay binubuo ng 150 na kawani. Pito (7) rito ay Police Commissioned Officers (PCO), 137 ang Police Non-Commissioned Officer (PNCO) at anim (6) naman ang Non-Uniformed Personnel (NUP).

Sa kasalukuyan, ang Imus ay may pitong (7) Police Outpost na matatagpuan sa Barangay Tanzang Luma 1, Mariano Espeleta 2, Anabu 1-A, Bucandala 3, Malagasang 2-A, Buhay na Tubig at Alapan 2-A.

Kabilang na rin dito ang mga Community Action Centers o COMBO Buildings na pinamumunuan ng pinagsama-samang tanggapan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Imus PNP, Imus Bureau of Fire Protection (BFP) at Barangay. Sa pamamagitan nito mas mabilis na natutugunan ang emergency cases sa lungsod.

Maigting din ang kampanya ng Imus sa seguridad nito at pagpapababa ng bilang ng mga krimen. Patuloy din ang implementasyon ng mga programa nito laban sa ilegal na droga, bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Duterte.

Sa tala, ang Imus PNP ay nakapagsagawa ngayong taon ng 128 na operasyon, at 335 katao naman ang nadakip dito.

Bukod sa seguridad at programa nitong Oplan Sita, iba’t ibang inisyatibo rin ang inihahatid ng tanggapan sa mga kababayang Imuseño. Kabilang dito ang pamamahagi ng food packs sa programa nitong “Kapwa Ko, Sagot Ko” na may 206 benepisyaryo.

Naghatid din ang tanggapan ng libreng transportasyon sa “Hatid Tulong” Program nito, kung saan 13 mamamayan ang naging benepisyaryo, at “Libreng Sakay” sa 55 na pasahero.

Naging kaisa rin ang Imus PNP sa paghahatid ng tulong ngayong panahon ng pandemya, mula sa mga check-point at pagroronda, hanggang sa pamamahagi ng travel authority sa mga Locally Stranded Individual (LSI).

Ito ay ilan lamang sa mga inisyatibo at programang isinasagawa ng Imus PNP bilang tugon sa malawakang kampanya ng pamahalaan tungo sa isang mapayapa at tahimik na lungsod.

Sa pahayag ni Mayor Maliksi, kanyang ibinahagi ang buong suporta nito sa mga kapulisan at sa mga programa nito para sa Imus. “Sa ating kinakaharap na krisis ngayon, isa ang Imus PNP sa ating mga naging katuwang upang mas mapalawig pa ang natutulungan ng ating mga programa, at masiguro ang seguridad ng mga mamamayan,” aniya ng Punong Lungsod.

Malaki rin ang magiging ambag ng bagong pasilidad sa paghahatid ng higit na epektibo at agarang serbisyo sa bawat mamamayang Imuseño.

30total visits,3visits today

Add Comment