Bagong Custodial Facility sa Imus, Binuksan

Bagong Custodial Facility sa Imus, Binuksan

Lungsod ng Imus, Cavite – Kasama ang Imus Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Superintendent Jose Junar P. Alamo at Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ni Punong Lungsod Emmanuel L. Maliksi, pinasinayaan ang bagong custodial facility sa tanggapan ng Imus PNP noong ika-16 ng Mayo.

Ang custodial facility na ito ay may kapasidad na humigit kumulang 120 katao. Isinaayos ang bagong pasilidad sa pagnanais ng pamahalaan na makapaghatid ng mas maluwag na tuluyan sa mga kababayang nasa pangangalaga ng Imus PNP.

Sa tala, ang lumang selda ay may 140 katao na at may laki lamang na 60-square meter. Buhat sa madaming bilang nito, ito ay nagdudulot na ng sakit sa mga nasa piitan at naghahatid ng pagkabahala sa pamahalaan.

Ang bagong pinasinayaang pasilidad ay ang dating tanggapan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na inilipat naman sa Barangay Bucandala 3.

Matatandaan din na noong Abril ay binuksan ang panibagong City Jail Building na nasa pangangalaga naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) – Imus para sa maraming bilang din ng mga nasa piitan na nasa ilalim ng kanilang kustodiya.

58total visits,1visits today

Add Comment