Bagong Command Operation Center ng Imus, Bukas na!

Bagong Command Operation Center ng Imus, Bukas na!

Blessing at opisyal na pagbubukas ng Command Operation Center ng Imus kasama si Congressman Alex L. Advincula, City Mayor Emmanuel L. Maliksi, City Vice Mayor Arnel M. Cantimbuhan, Sangguniang Panlungsod, CDRRMO at mga natatanging panauhin.

 

LUNGSOD ng Imus – Noong ika-10 ng Hulyo ngayong taon opisyal na binuksan ang bagong Command Operation Center (COC) ng Imus na nasa pangangalaga ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Ang bagong pasilidad ang nagsisilbing central command at control facility na nagmomonitor sa kaayusan ng lungsod at tumutulong sa paghahanda sa kalamidad at iba pang sakuna. Binubuo rin ito ng mga makabagong kagamitan na tumutulong sa agarang pagtugon ng pamahalaan sa mga emergency case kagaya ng baha, sunog, lindol at mga aksidente sa lansangan at kabahayan. Kabilang na rito ang LED monitor, computer, automated weather station, automated river gauge, radio transceivers equipment, telephone, cellular phones, Imus emergency response service, early warning device at CCTV monitoring.

Ang COC ay pinamumunuan ni Engr. Salve A. Severo na tumatayong LDRRMO Head kasama si Bb. Catherine Tosino ng Training Unit, Research and Planning Officer G. Gerardo C. Foz at Operations and Warning Officer G. Roy E. Castronuevo.

Ito ay binubuo rin ng 24 na empleyadong nangangasiwa sa Administration, Monitoring and Data Management, IT Management at Emergency Dispatching Unit ng tanggapan.

Isa sa mga benepisyo na naitutulong nito ang pagpapaigting ng seguridad sa lungsod na ngayon ay may 24/7 Emergency Operation na. Sa pamamagitan din nito madaling nabibigyan ang mga mamamayan ng ulat sa parating na kalamidad na nagbibigay daan sa pagkakatatag ng isang handa at ligtas na komunidad.

Tumutulong din ang nasabing pasilidad sa pagsasaayos ng mga datos na makakatulong sa pag-alam ng estado ng bagyo, lindol at iba pang sakuna.

Kaagapay rin ng CDRRMO ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na binubuo ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP). Sa sama-samang pagtugon ng mga nasabing ahensya, mas napapabilis ang pagresponde ng tanggapan sa mga idinudulog na insidente sa lungsod.

165total visits,1visits today

Add Comment