18 Atletang Imuseño, Sumabak sa Palarong Pambansa

18 Atletang Imuseño, Sumabak sa Palarong Pambansa

Pagkilala sa mga batang atleta na nag-uwi ng karangalan sa lungsod

Isinulat ni: Christian Mespher Hernandez

May kabuuang 18 atletang Imuseño mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Lungsod ng Imus ang nakipagtunggali sa mga pinakamagagaling na batang atleta sa buong kapuluan sa pagdaraos ng Palarong Pambansa 2017 sa San Jose, Antique noong Abril 23 hanggang 29 sa temang “Converge Youth Power, Build Sustainable Future.”

Napili silang kinatawan ng Rehiyon IV-A CALABARZON sa iba’t ibang kasanayan matapos umani ng gintong medalya at mahugot sa bisa ng pagpapamalas ng hindi matatawarang husay sa nagdaang Regional Sports Competition (RSC).

Limang mag-aaral ng Elizabeth Seton School – South Campus ang bumandera sa swimming event. Sina Ralph Anrey S. Del Rosario at Matthew Thomas Alumbres ang sa elementarya habang sila Luis Angelo M. Hernandez, Anne Gabrielle Purisima at Angelo Gabriel P. Propeta ang sa sekundarya.

Sumalang naman sa tennis ang pares nina Christy S. Sanosa at Rica May S. Ombe, na parehong mula sa Gen. Emilio Aguinaldo National High School (GEANHS).

Para sa paligsahan sa high jumping, kasama sa mga athletics sina Michael Karl Gomez ng GEANHS at John Paul Dizon ng Gen. Flaviano Yengko Senior High School.

Tig-iisang batang atleta ang lalaro rin sa iba pang kasanayan. Kabilang dito sila Curt Andrei Dayao ng Imus Pilot Elementary School sa table tennis, Carilyn P. Nicolas ng Bucandala Elementary School sa volleyball, Manuel Antonio Luis Pablo ng St. Edward Integrated School sa basketball, Anna Martina L. Canlas ng Bucandala Elementary School sa softball at Nyson Damiane A. Reyes ng Our Lady of Pillar Catholic School sa badminton.

Kasama rin sa mga delegado ng lungsod sina Marvin Asis ng Imus National High School – Main sa billiards, Joselle S. Daguinod ng Maranatha Christian Academy sa taekwondo at ang dalawang Special Education (SPED) learners na sina Adriel G. Villanueva ng GEANHS at Deniel R. Falcutilla ng Angelorum para sa ID Swimming at OH Swimming.

Kasama ng 18 batang atleta ang 14 na opisyal kabilang ang coaches at event coordinators na pinangungunahan nina Joel Legaspi, honorary official mula sa Imus Sports Council at Ronnie B. Yohan, athletic manager mula sa Schools Division of Imus City.

Bilang suporta sa mas lumalakas na sports development program ng Imus, sinagot ng Pamahalaang Lungsod sa pamumuno ni Hon. City Mayor Emmanuel L. Maliksi ang food at transportation allowance at iba pang pangangailangan ng 32-kataong delegasyon.

141total visits,2visits today

Add Comment